TANOD
(Diyaryo ng Bayan)
Opinyon pg. 5
Octobre 18, 2007
Ang tradisyon ng loa
Pananaw Domingo G. Landicho
Inanyayahan ako ni Ramon Orlina kamakalawa
sa Taal, na pareho naming bayan ni Mon, ang kilala sa daigdig na eskultor
ng mamahaling eskulturang bubog, para sa isang miting ng mga lider na
Taalenyo sa kultura at relihiyon.
Ang miting ay ginanap sa tanggapan ni Mayor Michael Montenegro na tubong
Tulo, isang barangay na karatig ng Luntal na siya kong nayong sinilangan.
Pero hindi ko kilala nang personal si Mayor Michael at noon ko lamang
natantiya na marahil ay wala pang 40 taong gulang.
Sa tawag ni Mon sa akin sa telepono, alam ko na ang maaring maging sentro
ng pag-uusapan sa miting, ang tungkol sa darating na pista sa Taal sa
Disyembre 8 at 9. Sabi ni Mon, mukha raw ibig na alisin na ang loa bilang
bahagi ng tradisyon ng aming pagdiriwang ng pista sa pagdangal sa aming
Birhen ng Caysasay at kay San Martin. Ang totoo, noong ako ay nasa elementarya
pa lamang, naalala kong lumuwa (sabi ni Minnie Alcasid ganito raw ang
pagbigkas sa loa) rin ako sa patrong santo ng Calaca na si San Roque,
bahagi naman ng panata ni Inang para sa akin.
Naiisip ko ngayon, ang loa, bilang isang anyo ng tulang pumupuri at dumadangal
sa Mahal na Birhen at kay San Martin ay tunay na isang palasak na tradisyon
sa buong Taal. Ang alam ko, may mga kinikilalang mga awtoridad at magagaling
na manunulat ng loa sa Taal na halos kilalang lahat ni Mon. May isang
iskolar na taga-Taal si Gloria Gamo na taga-UP, ang tunay na nananaliksik
tungkol sa loa sa Taal.
Hindi kataka-taka kung gayon na tunay na mabahala ang aking kaibigang
si Mon na sa darating na pagdiriwang ng pista, aalisin na ang pista.
Ito ang tunay na naiisip kong dahilan kung bakit kinaladkad ako ni Mon
sa miting at ako naman ay buong pagkukusang sumama dahil sa una’y
matagal-tagal na ring hindi ako nakauuwi sa aming bayan at pangalawa,
may gusto akong alamin sa matatanda ng Taal kaugnay ng aking nobelang
sinusulat tungkol sa panahon ng ikalawang Digmaang Pandaigdig na sinunog
ang lahat na bahay sa aming nayon at pinagpapatay ang lahat ng mga taong
makita ng mga sundalong Hapones.
At tunay sa mabuting paliwanagan, nagkasundo-sundo ang mga magkababayan
at ang loa ay muling isasagawa para sa Birhen ng Casaysay.
Magkakaroon ng Pambansang Paligsahan ng pagsulat ng Loa para sa Birhen
ng Caysasay at kay San Martin na ako ang natokahang maging bahaging mahalaga
ng proyekto.
Si Ernie Villavicencio, ang siyang magiging hermano at napahinuhod si
Mon na maging katuwang niya na maging hermano.
Siyanga pala, sa miting na iyon, inutusan ako ni Mon na magbasa ng aking
binasang loa sa Birhen ng Caysasay. Sabi ni Mon, matapos kong basahin
ang aking loa, iyon ang kanyang ipaluluwa sa kanyang anak na dalaga na
isang estudyante sa UP para sa Inang Birhen, bahagi rin wari ng isang
panata.
Ilalathala ko rito ang nasabing loa na kasama sa kalalabas ko pa lamang
na Suob Katipunan ng mga Tulang Batangan.
Inang Birhen ng Caysasay
Inang Birhen ng Caysasay
Luwalhati naming tunay
Nagkaloob ay Maykapal
Nag-alay sa aming buhay
Sa tuwa at kalungkutan.
Naging inunan mo’y ilog
Nang sa amin ay ihandog
Inang nagpalang tibobos
Lagi’t laging iniirog
Pinanaligan nang lubos.
Ina ka ng karaniwan
Mangingisda’t maglilinang
Lawa, ilog, karagatan
Ang burol at kapatagan
Ay dagat mo’t lupang hirang.
Ang lahat na inihibik
Dalangin ng diwa’t dibdib
Wala kang ipinagkait
Himala mo ay matuwid
Iniluwal ng pag-ibig.
Kakambal ka sa tuwina
Sa sandali ng pag-asa
Birhen ka at aming ina
Bahagi ng tuwa’t saya
Dinudulog sa panata.
Ika’y punla ng kahapon
At yaman ng aming ngayon
Hanggang dulo ng panahon
Balangaw ka’t aming timon
Sa lakbaying iaagdon.
Inang Birhen ng Caysasay
Lagi’t laging luluhuran
Sa tuwina’y tatawagan
Pasalamat, panambitan
Inang kaluwalhatian.
Gabayan mo, aming ina
Ang lahat ng nagdurusa
Pagtikahin sa panata
Ang anak mong nagkasala
Padalisayin tuwina
Ang diwa at kaluluwa.
Inang aming tanging gabay
Suhayan ang gaming buhay
Turuan an gaming malay
Sa landas ng pagmamahal
At sinag ng kabutihan.
Gabayan ang aming puno
Sa pagdama at pagsuyo
Ilayo mo sa baligho
At tulayin ang pangako
Linisin ang mga puso
Para bukas ay sumamyo.
Inang Birhen ng Caysasay
Inang kabanal-banalan
Lahat kami ay alayan
Ng tuwa sa kalangitan
Na handog sa Amang Mahal.
Salamat, aming Birhen
Sa pagdinig sa dalangin
Inakay mo mulang dilim
Sa liwanag aanihin
Pagsuyo mong walang maliw.
|